-- Advertisements --

Gagawaran ng promosyon ng Philippine Coast Guard (PCG) si Pinay boxer at Olympic bronze medalist Nesthy Petecio matapos manalo ng bronze medal sa Paris Olympics.

Sa isang statement, kinumpirma ng PCG na mula sa kasalukuyang ranggo ni Petecio bilang Petty Officer Second Class ay ipo-promote ito sa Petty Officer First Class.

Ayon kay Coast Guard commandant Admiral Ronnie Gil Gavan, ang pagkapanalo ni Petecio ay isang inspiring achievement para sa mga kabataan.

Nagpaabot din si Adm. Gavan ng buong pusong pagbati sa ngalan ng mga kababaihan at kalalakihan ng PCG kay CG officer Petecio sa pagkapanalo nito sa Olympics.

Aniya, ipinamalas ni Petecio ang tunay na diwa ng isang kampeon at naging inspirasyon hindi lamang sa kapwa nito coast guardians kundi maging sa mga Pilipino sa pag-abot ng kanilang mga pangarap.

Matatandaan na na-secure ni Petecio ang bronseng medalya matapos niyang matalo ang kaniyang Chinese opponent na si Zichun Xu sa quarterfinal round bagamat nabigo itong makausad sa finals makaraang matalo sa kaniyang Polish opponent na si Julia Szeremeta sa women’s boxing 57kgs semifinals via split decision sa score na 4-1.