Binawi ni Paris Olympics 2024 bronze medalist Nesthy Petecio ang kaniyang pahayag na hindi na ito sasabak pa sa 2028 Los Angeles Olympics.
Ayon sa 32-anyos na boksingero, na mula noong mabigo siyang makuha ang gintong medalya sa Paris Olympics ay tila nawalan na ito ng gana kaya sinabi niyang huli na ang 2024 Olympics na sasalihan.
Hinikayat siya umano ng ilang mga kapwa boksingero at nakakita ng senyales kaya isinantabi muna ang desisyon na hindi na sasabak sa 2028 Olympics.
Dagdag pa nito na hihirit pa siya ng isa pang Olympics sa Los Angeles baka sakaling makasungkit ng gintong medalya.
Nakatuon din ngayon ang kaniyang atensyon sa pagsabak sa 2025 World Boxing Championships sa Liverpool, England sa buwan ng Setyembre.
Nitong buwan ng Enero ng sumama siya sa training camp nila sa Baguio City kung saan pinaghahandaan nila ang pagsabak sa Southeast Asian Games at World Championships.