Tiyak na ang isa pang medalya ng Pilipinas na makukuha sa nagpapatuloy na Tokyo Olympics matapos na umusad na sa semifinals ang Filipina boxer na si Nesthy Petecio.
Ito ay makaraang talunin kanina ni Petecio si Yeni Arias ng Colombia sa women’s featherweight quarterfinals na ginanap sa Kokugikan Arena sa Tokyo, Japan.
Sa ulat ni Bombo Radyo Samurai reporter Josel Palma mula sa Tokyo, ipinaliwanag nito na kahit man matalo pa ang Pinay boxer ay sigurado na ang Olympic bronze medal.
Una rito sa banggaan ng dalawa kaninang umaga kahit todo agresibo si Arias pero si Petecio naman ay nagpakawala ng mas solidong suntok sa pagsisimula pa lamang ng laban kaya ang lahat ng limang mga judges ay ibinigay sa kanya ang Round 1.
Tinangkang makabawi ni Arias sa second at third round pero sa huli si Petecio pa rin ang pinaburan ng mga judges sa pamamagitan ng unanimous decision win.
Haharapin ni Petecio (height 5’2″) sa Sabado ang pambato ng Italy na si Irma Testa (5’9″) na mas matangkad pa sa kanya.
Magaganap ang semifinals match pasado alas-12:00 ng tanghali.
Kung sakaling manalo rito si Petecio ay uusad na siya sa finals pero kung matalo ay gagawaran siya ng silver medal.
Sa ngayon si Petecio na ang unang boxer na nanalo ng Olympic medal na ang huli ay si Onyok Velasco na nakasungkit din ng silver medal noon pang 1996 Games sa Atlanta.
Hindi pa man natatapos ang Olimpiyada sa Tokyo, record breaking na ang maitatala ng Team Pilipinas dahil noon pang taong 1932 huling nagkaroon ng mahigit sa isang medalya ang Pilipinas sa pinakamalaking torneyo.
Nangangahulugan lamang na 89 na taon na ang nakakalipas nang huling mangyari ang ganito.
Noong panahong iyon ang mga humakot ng medalya ay sina high jumper Simeon Toribio, boxer Jose Villanueva, at swimmer Teofilo Yldefonso na nag-uwi ng bronze medals sa 1932 Los Angeles Olympics.