Tumaas ng anim na puntos ang net satisfaction rating ni Pangulong Rodrigo Duterte sa first quarter ng 2019.
Batay sa latest Social Weather Stations (SWS) survey, nakakuha ng +66 net satisfaction rating si Pangulong Duterte, na maituturing “very good,” sa unang tatlong buwan ng taong kasalukuyan.
Mas mataas ito kung ikumpara sa +60 net satisfaction rating na nasungkit ng Pangulo noong Disyembre 2018.
Ang pinaka-latest na net satisfaction rating ng punong ehekutibo ay kaparehas ng kanyang personal high na nakuha noong Hunyo 2017.
Natukoy sa survey, na isinagawa mula Marso 28 hanggang 31, na 79 percent ng mga adult Filipinos ay satisfied sa performance ni Duterte, limang porsiyento na mas mataas kumpara sa December 2018 survey kung saan nakakuha ang Pangulo ng satisfaction rating na 74 percent.
Kakaunti rin ang mga Pilipinong hindi satisfied sa performance ni Duterte sa 13 percent, o dalawang porsiyentong mas mababa mula sa 15 percent na naitala noong Disyembre 2018.