-- Advertisements --

Binatikos ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu ang pagpapalabas ng International Criminal Court ng arrest warrant laban sa kaniya.

Sinabi nito na ang nasabing hakbang ay “politically biased” at ito ay walang kakuwenta-kuwenta.

Dagdag pa nito na isang malinaw na napupulitka ang ICC dahil sa hindi nila nakikita ang tunay na biktima ay ang Israel.

Pagtitiyak nito na hindi ito papaapekto at patuloy na ipagtatangol ang mamamayan.

Habang ang Hamas ay pinasalamatan ang ICC dahil sa paglabas ng warrant of arrest kay Netanyahu kung saan ito aniya ay isang hakbang para tuluyang makamit ang hustisya.

Kinontra naman ng White House ang ginawa ng ICC dahil umano sa wala itong hurisdiksyon at minadala ang paglalabas ng warrant of arrest.

Habang si Canadian Prime Minister Justin Trudeau ay nanawagan sa Israel na irespeto na lamang at tumugon sa kautusan ng international law maging ang South Africa at Jordan ay magkapareho rin ang kanilang pananaw na dapat tumugon na lamang ang Israel.

Naniniwala naman si European Union Foreign Policy chief Josep Borrell, na ang ICC warrants ay hindi political at ito ay dapat na irespeto at ipatupad.

Ikinatuwa naman ng Amnesty International ang nasabing pagpapalabas ng ICC ng warrant of arrest kung saan gumugulong na aniya ang hustisya laban sa mga responsableng nasa likod ng war crimes at crimes against humanity sa Palestine at Israel.

Magugunitang naglabas ng warrant of arrest ang ICC laban kay Netanyahu at dating defense minister nito na si Yoav Gallant dahil sa war crimes.

Naniniwala ang ICC judges na mayroong sapat na ebedensiya sila na ito ay responsable sa pagkasawi ng maraming sibilyan.