Inilatag ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu ang mga dahilan ng pag-apruba sa ceasefire deal sa Hezbollah sa Lebanon.
Sa televised address ni Netanyahu nitong gabi ng Martes (local time) mula sa Tel Aviv, inisa-isa niyang inilatag ang 3 pangunahing dahilan ng ceasefire na magbebenipisyo aniya sa Israel.
Una ay ang pagpokus ng Israeli forces sa Iranian front, ikalawa, para palakasin ang kanilang military forces at equipments na magbibigay aniya sa kanila ng advanced weaponry na magpapalakas sa kanila para makumpleto ang kanilang layunin at ikatlo, ang detaching o paghihiwalay ng front ng digmaan mula sa Hamas na nag-pressure sa Hezbollah para atakehin ang Israel. Makakatulong aniya ito para maibalik ang mga bihag.
Inihayag din ni Netanyahu na ang kaniyang obligasyon ay maibalik ang 101 na bihag, buhay man o patay at para ganap na ma-eliminate ang Hamas.
Matatandaan na nitong 4:00 am ng Miyerkules (local time) sa Lebanon, naging epektibo ang ceasefire na nagwakas sa mahigit isang taong giyera sa pagitan ng Israel at Hezbollah.
Sa ilalim ng mga kondisyon ng ceasefire agreement, ang Israeli forces ay magwi-withdraw mula sa Lebanon sa loob ng 60 araw habang ang Hezbollah forces naman ay papalitan ng Lebanese army forces sa timog ng bansa sa loob din ng parehong period.
Samantala, iginiit naman ni Netanyahu na nakadepende sa magiging aksiyon ng Hezbollah kung hanggang kailan magtatagal ang naturang ceasefire deal. Sakali man aniya na lumabag sa kasunduan ang Hezbollah, kanila itong tutugunan.