-- Advertisements --

Tumabo ng 27 points at 13 assists si Caris LeVert upang bitbitin ang Brooklyn Nets tungo sa 129-120 pagsilat sa Los Angeles Clippers.

Nagdagdag ng 25 points si Joe Harris – 23 sa first half – para sa Nets, na nasungkit na rin ang ikapitong puwesto sa Eastern Conference at first-round playoff matchup sa defending NBA champion Toronto Raptors.

May ambag ding 21 points si Tyler Johnson para gumanda sa 4-2 ang kartada ng Brooklyn sa bubble.

Nagtala ng 85.7% shooting ang Nets mula sa field sa first quarter, upang maitala ang 21-point lead.

Bagama’t humabol ang Clippers para maitabla ang iskor sa third quarter, nasopla itong muli ng Nets sa unang bahagi ng final canto.

Nasayang naman ang 39 points si Kawhi Leonard para sa Clippers.