-- Advertisements --

Umaatikabong walang humpay na palitan ng puntos ang namagitan sa magkaribal na Brooklyn Nets at Atlanta Hawks lalo na sa pagtatapos ng game.

Sa huli namayani ang mga veterans na si Kevin Durant at Kyrie Irving upang bitbitin sa panalo ang Nets laban sa Hawks, 145-141.

DURANT IRVING 1

Ang nagbabalik sa game na si Durant ay kumamada ng halos triple double performance na may 33 points, 11 rebounds at 8 assists.

Sunuportahan din siya ni Irving na uminit ng husto sa fourth quarter na nagtapos sa game ng 25 points kung saan 17 sa mga ito ay nagawa niya sa huling yugto lamang ng laro.

Ang pagkatalo ng Hawks ay una nilang nalasap matapos ang tatlong sunod-sunod na panalo.

Ang Brooklyn naman ay hawak ngayon ang 3-2 record. Naging makapigil hininga ang fourth quarter nang magsama ng galing sina Irving at Durant sa huling 20 puntos para sa huling 5 1/2 minutes na natitira sa game.

Sa unang bahagi ng laro ay inalat si Irving.

Ito naman ang sinamantala ng star player ng Atlanta na si Trae Young
na may 30 points, 11 assists at six rebounds.

Sa tindi ng swerte ng Brooklyn nasa pitong players nito ang umeksena sa double figures, kung saan si Joe Harris ay nagpakita ng 23 points.

Ang banggaan ng dalawang teams ay muling aabangan sa Sabado sa Barclays Center.