Pinaulanan ng 21 3-point shots ang Brooklyn Nets upang kanilang masilat ang NBA top team na Milwaukee Bucks, 119-116.
Nagrehistro ng career-high na 26 points si Timothé Luwawu-Cabarrot upang akayin ang Brooklyn, at mapigilan ang Bucks na tuluyang masungkit ang top seed sa Eastern Conference.
Maliban kay Luwawu-Cabarrot, kumamada ng 19 points si Garrett Temple, kapwa naman may 11 points si Tyler Johnson at Justin Anderson.
“We didn’t have our best four out there, so obviously it’s an opportunity for everybody coming up and next man up mentality,” wika ni Luwawu-Cabarrot.
Habang sa kampo ng Bucks, umiskor lamang ng 16 points si Giannis Antetokounmpo na naglaro lamang sa first half.
Tumipa ng 13 points si Kyle Korver, at may double-double na 12 points at 10 rebounds si Ersan Ilyasova.
Paliwanag ni Milwaukee coach Mike Budenholzer, nais niya raw munang pagpahingahin ang ilan sa kanyang mga manlalaro.
“Thursday or whenever it is we play Miami we’ll be back to something more what I guess you’d consider normal and continue to build toward the start of the playoffs,” ani Budenholzer.
Hawak ng Brooklyn ang 94-88 abanse sa pagsisimula ng final canto, ngunit naghulog ng 16-10 bomba ang Bucks upang maagaw nila ang kalamangan sa unang pagkakataon sa 107-104 tampok ang 3-pointer ni D.J. Wilson sa natitirang 5:31.
Pumukol din ng tres si Sterling Brown para ilagay ang Bucks sa unahan 110-107.
Makaraang magpasok ni Chris Chiozza ng reverse layup, bumitaw ng tres si Luwawu-Cabarrot sa huling 2:59 upang makuhang muli ng Nets ang abanse, na sinundan ng isa pang 3-pointer sa natitirang 2:31.
Nagpasok si Korver ng jumper sa nalalabing 1:48, ngunit batay sa assessment ng mga game officials, dalawang puntos lamang ito at hindi tatlo na posible sanang magtabla sa laro sa 115.