BACOLOD CITY – Nalungkot man dahil sa hindi natuloy na major concert para sana sa kanyang 37th anniversary si ”Mr. Pure Energy” Gary Valenciano, hindi pa rin nakapigil sa kanya ang pandemic na ipagpatuloy ang pagbibigay pag-asa sa lahat sa pamamagitan ng virtual concerts at shows.
Sa exclusive interview ng Star FM Bacolod kay Mr. Pure Energy, labis umano siyang nag-iingat sa kanyang kalusugan ngayon.
Binigyang diin pa nito na hindi niya malalampasan ang mga pagsubok na pinagdaanan sa buhay kung wala ang malakas na pananampalataya sa Diyos.
”Importante sa akin na makarinig ako o makabasa ako ng salita ng Panginoon, kasi minsan may mga bagay talaga na walang magagawa ang tao and Diyos lang talaga ang makakagawa ng kung ano ang ating ninanais. If I don’t have his word I don’t think I’ll be able to talk like this but everyday I make sure na kahit sandali lang meron akong oras with him,” kuwento pa ng veteran singer-composer sa Bombo Radyo Philippines. “Ang relationship ko with God is not based on feelings eh, it’s just basically the goodness of God. I think that he’s the one that’s giving me the ideas. He’s the one sustaining my strength and my health, that’s how I fill my mind with Godly thought, with good thoughts.”
Samantala, nag-iwan din siya ng mensahe sa lahat na huwag mawalan ng pag-asa kahit gaano man kahirap ang pinagdadaanan ngayon.
”Never never lose hope, once you lose hope you lose your faith, you start to doubt, you start to worry, you start to suffer from anxiety. But with hope kahit na dumating yong anxiety basta’t may hope ka pa rin you can overcome those attacks.”
Masaya din niyang ibinahagi na merong siyang bagong kanta na may titulong, ”Pwede Pang Mangarap” na alay para sa mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) upang palakasin pa ang loob ng mga nagnenegosyong labis na apektado rin ngayon ng COVID-19 pandemic.
Dagdag pa ni Mr. Pure Energy, meron silang inihahandang another fund raising concert na ”Faith, Hope and Love” ngayong buwan ng Agosto.