Nangako ang Bases Conversion and Development Authority (BCDA) na gawing industrial hub ang New Clark City sa probinsya ng Tarlac.
Batay sa inilabas na statement ni BCDA president at chief executive officer Joshua M. Bingcang, nakasaad dito na tiyak na makaka-akit ang New Clark City ng maraming local at international investors.
Ipinangako ni Bingcang ang commitment ng ahensya na linangin ang New Clark City nang naaayon sa isang masterplan batay sa kagustuhan ng pamahalaan.
Nais aniya ng BCDA na magsilbing isa sa mga pangunahing tourist destination ang New Clark City, at investment haven para sa mga mamumuhunan.
Una rito ay nakipagpulong si PBBM kay Singapore Prime Minister Lawrence Wong kung saan iprinisenta ni Pang. Marcos ang new Clark City bilang magandang prospect para sa mga Singaporean investors.
Ibinahagi rin noon ni Pang. Marcos kay Wong ang plano ng national government na i-develop ang naturang lugar bilang isang industrial center at bubuksan para sa mga Singaporean investment opportunities.
Ang New Clark City ay may lawak na 9,450 ektarya ng lupain at nasa loob ito ng Clark Special Economic Zone.
Una na ring humingi ng tulong ang BCDA sa isang engineering consultancy firm na nakabase sa Singapore para buuin ang Comprehensive Master Development Plan para sa naturang lugar.