Ipinagmalaki ng Bases Conversion and Development Authority na handa na umano ang New Clark City sa Capas, Tarlac na mag-host ng papalapit nang 2019 Southeast Asian (SEA) Games.
Ayon kay BCDA President Vince Dizon, magbubukas ang New Clark City sa darating na Nobyembre 8 makaraang maging 99% nang tapos ang konstruksyon ng phase one.
Ang Phase 1A, na nakasasaklaw sa lahat ng mga pasilidad na kakailanganin para sa SEA Games, ay nagkakahalaga ng P13-bilyon.
Kumpleto na rin aniya ang mga sports facilities na gagamitin para sa 30th SEA Games, partikular ang Aquatics Center, Athletes’ Village at River Park, na pinapagamit na rin sa mga Pinoy athletes.
Habang ang Phase 2 aniya kung saan itatayo ang karagdagan pang mga opisina ng gobyerno ay nagpapatuloy sa ngayon.
Sinabi pa ni Dizon na ang hamon naman sa kanila ngayon ay kung papaano nila titiyakin ang pagpapatuloy ng master plan kahit matapos na ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.