“Zombie stories” lamang para sa Philippine Navy ang panibago na namang isyu na pinapalutang ng China kaugnay sa umano’y “new model” agreement nito sa ilang opisyal ng Pilipinas sa Ayungin shoal.
Ito ang naging tugon ni Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea Commo. Roy Vincent Trinidad kung saan sinabi pa nito na ang mga kwentong ito ng China ay tila patay na ngunit pilit nilang muling binubuhay mula sa libingan.
Aniya, ang mga patutsada na ito ng nasabing bansa ay nilalayon lamang na ilihis ang atensyon sa publiko mula sa kanilang mga ginagawang paglabag sa umiiral na international law, at maging sa karapatan ng ating bansa sa sarili nating teritoryo.
Dahil dito ay muling binigyang-diin at ipinanawagan ng opisyal sa publiko na huwag nang pagtuunan pa ng pansin at paniwalaan ang mga gawa-gawang kwento na ito ng China na likha lamang ng kanilang imbento at imahinasyon.
Kung maaaalala, una na ring pinabulaanan ng iba pang ahensya ng pamahalaan ang panibago na namang claim ng China sa naturang bahagi ng pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.