Pinabulaanan ng National Security Council ang panibagong claim ng China na nagkaroon umano ito ng new model sa kasunduan nito sa Pilipinas kaugnay sa Ayungin shoal at sinabing bagong imbento lamang ito ng China.
Ayon kay Jonathan Malaya, National Security Council Assistant Director-General, na ang pinakahuling pahayag ng China ay naglalayong sisihin ang Pilipinas hinggil sa mga tensyon sa West Philippine Sea.
Aniya, mula pa man noon, may mga bagong salaysay ang China tungkol sa umano’y arrangement sa West Philippine Sea. Una, ang sinasabing pangako na kalaunan naging ‘gentleman’s agreement’ at ngayon ang pinakabagong bersyon ay ‘new model’ o internal understanding.
Dagdag pa ng NSC official na malinaw na puspusan ang ginagawa ng mga propaganda masters sa Beijing para maghasik ng kaguluhan at pagkakawatak-watak sa ating bansa para sa iisang layunin lamang, ito ay para isulong ang kanilang claim na ang Pilipinas ang nagdudulot ng umiigting na tensyon sa WPS at nagdudulot ng hidwaan dahil ito ay tumalikod sa mga pangako nito.
Iginiit ni Malaya na malinaw na sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na walang anumang kasunduan tungkol sa Ayungin Shoal at patuloy pa ring isasagawa ang lahat ng aktibidad sa lugar alinsunod sa international law at hindi dapat hayaan ang anumang pangingialam ng iba sa ating lehitimong aksiyon.
Pinaalalahanan din ng opisyal ang Chinese embassy na anumang kasunduan nang walang awtorisasyon ng Pangulo ay walang bisa.
Hindi din aniya pumayag ang PH sa anumang internal understanding o new model na maaaring ituring bilang pagkilala sa kontrol at pangangasiwa ng China sa Ayungin Shoal bilang teritoryo nito.
Sa huli, iginiit ni Malaya na ang Ayungin shoal ay parte ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Ginawa ng NSC official ang naturang paglilinaw matapos maglabas ng pahayag ang Chinese Embassy na pumasok umano sa isang “intimate understanding” ang Pilipinas noong September 2023 kaugnay sa usapin sa Ayungin Shoal subalit inabandona umano ng administrasyong Marcos Jr. ang kasunduan matapos ang pitong buwan sa termino.