Inilabas na ng Comelec sa kanilang website ang “New Normal Manual” na magiging gabay sa lahat ng sektor para sa magaganap na eleksyon sa Mayo sa gitna ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic
Ang manual ay binuo ng komisyon dahil na rin sa pagkakaroon ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic sa gitna ng halalan na kauna-unahan sa kasaysayan ng eleksiyon sa Pilipinas.
Pirmado ng buong Comelec en banc ang manual at kasama pa rito ang mga nagretirong sina dating Comelec Chairman Sherif Abas at dating new normal committee chair Commissioner Antonio Kho Jr.
Aabot sa 1,275 na pahina ang manual at kabilang dito ang pahina na tumutukoy sa general guidelines o ang pangkalahatang panuntunan sa pagsasagawa ng halalan sa ilalim ng new normal kasama na ang pagsunod sa minimum health standards.
Kasama pa rito ang pagsusuot ng facemasks at faceshield sa pagboto at ang pagkakaroon ng sanitation station sa mga daanan papasok sa mga polling precinct.
Kailangan din ang pag-check sa temperatura at ang mahigpit na pagsunod sa physical distancing.
Sinabi ng Comelec na ginawa ang naturang guidelines para masiguro ang ligtas, maayos, epektibo at tuloy-tuloy na serbisyo ng komisyon.
Magsisilbi rin itong gabay para sa pagdaraos ng maayos, malinis, ligtas, malaya matapat, mapagkakatiwalaan, gender responsive at socially inclusive na halalan.
Una rito, mahigpit ang direktiba ng Comelec sa mga nagsasagawa ng campaign rallies na sundin pa rin ang mga minimun health protocols para maiwasan ang pagsipa na naman ng kaso ng COVID-19.