Tinatarget ngayon ng pamahalaan na makamit ng bansa ang new normal na pamumuhay bago matapos ang termino ng panunungkulan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa kabila ito ng patuloy na pagbaba ng bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa bansa na naitatala ng Department of Health (DOH).
Sinabi ni Undersecretary Kristian Ablan na gagawin ng pamahalaan ang lahat ng kanilang makakaya sa ilalim ng kanilang kapangyarihan upang makamit ang 100% na bakunahan sa lahat ng mga Pilipinong mula sa iba’t-ibang population group bago bumaba sa kanyang pwesto si Pangulong Duterte sa Hunyo 30.
Magugunita na nananatiling nasa ilalim ng “very low risk” ang kategorya ng Pilipinas para sa COVID-19, batay sa pinakahuling ulat na inilabas ng OCTA Research group.
Kasalukuyan namang nasa ilalim ng Alert Level 1 ang buong National Capital Region (NCR) at ang mahigit 100 mga lugar sa bansa sa unang bahagi ng Abril, mula Abril 1 hanggang Abril 15.