-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Isinailalim sa isang linggong lockdown ang buong estado ng New South Wales, Australia dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng Delta variant.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Denmark Suede, Pinoy nurse sa Sydney, Australia na kahapon ay nakapagtala ang New South Wales ng pinakamataas na kaso ng Delta variant na umabot ng 466 at mula sa 129,000 na isinailalim sa pagsusuri.

Dahil dito, ay isinailalim sa lockdown ang buong New South Wales na magtatagal sa loob ng isang linggo.

Sinuman ang mahuhuli sa labas ng limang kilometro mula sa kanilang bahay ay magmumulta na ng limang libong dolyar o katumbas ng 252,725 pesos na dati ay isang libong dolyar lamang o mahigit limampong libong piso.

Bukod dito ay bibigyan din ng 320 dollars o mahigit labing anim na libong piso na testing fee habang hinihintay ang resulta ng kanyang pagsusuri.

Sa ngayon ay may 375 na kaso na nasa pagamutan at animnapu’t apat ang nasa Intensive care unit o ICU kung saan limampu’t pito rito ang walang bakuna.

May dalawa namang namatay na fully vaccinated na pero inasahan na ito dahil may taning na rin ang kanilang buhay pero binigyan pa rin ng bakuna.