Patuloy pa ring nadaragdagan ang bilang ng mga biktima ng paputok sa Metro Manila kasabay ng pagsalubong sa Bagong Taon.
Sa Maynila, tatlong mga pasyente ang isinugod sa Sta. Ana Hospital dahil sa mga natamo nilang injuries bunsod ng paggamit ng paputok.
Nagkaroon ng malalim na sugat sa kanyang kaliwang mata ang isang 14-anyos na batang lalaki dahil sa whistle bomb, habang sugatan naman ang kamay ng isang 19-anyos na lalaki dahil sa “five-star.”
Nagtamo naman ng injury sa kanyang kanang kamay ang isang 22-anyos na lalaki makaraang gumamit ng “pla-pla.”
Sa Jose Reyes Memorial Medical Center sa lungsod din ng Maynila, nasa 21 pasyente ang dumating hanggang kanina.
Ayon kay Dr. Bernard Adajar, chief resident ng Department of Orthopedics ng JRMMC, sa nasabing bilang pinakamalala rito ang 40-anyos na pasyenteng kinailangang putulan ng kamay dahil naputukan ng super lolo.
Sinabi pa ni Adajar na tumaas daw ang bilang ng mga pasyenteng dinadala sa JRMMC kung saan mula sa 4% nitong nakalipas na mga araw ay pumalo ito ng hanggang 25%.
Sa East Avenue Medical Center naman sa Quezon City, 12 katao ang dinala simula kaninang hatinggabi.
Kabilang sa mga isinugod doon ang isang pasyenteng nabalian ng daliri makaraang madale ng paputok na roman candle dakong alas-4:00 ng madaling araw.
Nitong alas-7:00 ng umaga ay dinala rin doon ang isang binata matapos malapnos ang mukha at kaliwang braso dahil sa paputok.
Samantalang ang ibang mga pasyente naman ay nasugatan sa binti o braso matapos na maputukan ng kwitis o flying dragon.
Isang sampung taong gulang na lalaki naman ang isinugod sa Amang Rodriguez General Hospital matapos tamaan ng kwitis sa Brgy. Nangka, Marikina City.
Nagkaroon na rin ng kaso ng firecracker related injury sa Mandaluyong City Medical Center.
Nagkalasog-lasog naman ang kamay ng isang barangay tanod matapos masabugan ng paputok sa Caloocan City.
Samantala, isang 31-anyos na lalaki ang isinugod sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center makaraang magtamo ng gunshot.
Bagama’t nasa stable condition na ang nasabing pasyente, hindi pa malinaw sa ngayon kung sadyang binaril ang biktima o stray bullet ang kanyang nakuha.