Sinalakay ng New York City police ang Columbia University sa New York nitong gabi ng Martes, oras sa Amerika at pinag-aaresto ang nasa 50 pro-Palestinian protesters.
Ito ay matapos na aprubahan ni Columbia president Nemat Shafik ang letter request ng NYPD para magkasa ng raid sa naturang unibersidad makaraang hindi sumunod ang mga estudyante na nagsasagawa ng demonstrasyon na mag-disperse.
Ayon sa NYPD, pinasok ng kanilang mga tauhan ang Hamilton Hall, isang academic building na inokupa kamakailan ng mga nagpoprotesta.
Inokupa ng mga pro-Palestinian protesters ang isang tent camp sa Ivy League school sa upper Manhattan sa loob ng halos 2 linggo.
Bunsod nito, walang choice ang pamunuan ng Columbia university para payagan ang operasyon ng NYPD sa unibersidad matapos na magsagawa ng bandalismo at nagsagawa ng blockade sa Hamilton hall.
Binalaan naman ng NYPD sa external actors na nasa likod ng escalation ng protesta sa Columbia University.
Samantala, idineklarang cleared na ang Columbia University property nitong mga alas-11 ng gabi oras sa Amerika, halos 2 oras matapos na pasukin ng mga pulis ang school campus.
Wala namang napaulat na nasugatan sa ikinasang operasyon ng awtoridad.
Una rito, sumiklab nga ang protesta sa mga unibersidad sa US sa gitna ng pagdemand ng mga estudyante na i-boycott ang mga kompaniya at indibidwal na may kaugnayansa Israel sa gitna ng giyera nito sa Gaza.