-- Advertisements --

Nagbitiw na umano ang lahat ng 57 kasapi ng police emergency response team ng Buffalo, New York bilang pagsuporta sa dalawang pulis na sinuspinde matapos umanong manulak sa isang 75-anyos na ralyista kamakailan.

Ayon sa isang police union representative, sumusunod lamang daw ang mga pulis sa utos ni Deputy Police Commissioner Joe Gramaglia na i-clear ang lugar, at hindi rin daw sila naniniwalang mali ang ginawa ng kanilang kasamahan.

Bagama’t bumaba sa puwesto ang mga miyembro ng emergency response team, hindi naman daw sila nag-resign sa police department.

Sa isang pahayag, sinabi ni Buffalo Mayor Byron Brown na nakarating na raw sa kanyang tanggapan ang nasabing impormasyon.

“At this time, we can confirm that contingency plans are in place to maintain police services and ensure public safety within our community,” saad ni Brown.

Una rito, inanunsyo ng Erie County District Attorney’s Office na kanilang iimbestigahan ang insidente kung saan dalawang Buffalo police ang nakunan ng camera na tinulak ang isang matanda sa kalagitnaan ng isang demonstrasyon.

Tinawag din ni Gov. Andrew Cuomo ang pangyayari na “utterly disgraceful.”

Nasa mabuti na ring lagay ang biktima, na kinilalang si Martin Gugino, ayon kay Erie County Executive Mark Poloncarz. (Fox News)