Inanunsyo ng Defense Minister ng New Zealand na si Judith Collins nitong Lunes, Abril 28, na lalagda ang Pilipinas at New Zealand ng Status of Visiting Forces Agreement (SoVFA) upang payagan ang military exercises sa teritoryo ng isa’t isa.
Ayon sa opisyal ng gobyerno ng New Zealand, darating si Collins sa Pilipinas ngayong araw at mananatili hanggang Mayo 2 para pormal na lagdaan ang kasunduan.
Ani Collins, itinatakda nito ang legal na balangkas para sa ugnayan ng kanilang mga militar, kasunod ng pangako nina Prime Minister Christopher Luxon at Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong nakaraang taon.
Matapos ang pirmahan, dadaan ang kasunduan sa pag-apruba ng Senado ng Pilipinas.
Sa kanyang pagbisita, makikipagpulong si Collins kina Pangulong Marcos Jr. at Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr.
Binigyang-diin ni Collins ang kahalagahan ng mas malalim na seguridad at kooperasyon sa rehiyon upang ipagtanggol ang international rules-based order.
Ang Status of Visiting Forces Agreement (SoVFA) ay isa lang sa mga kasunduan na bunga ng 2024 Mutual Logistics Supporting Arrangement at 2012 Defense Cooperation Arrangement ng dalawang bansa.