Mistulang hindi pa rin matanggap ni New Zealand point guard Corey Webster ang pagkatalo ng kaniyang team matapos siyang mag-post ng isang comment sa official Instagram account ng Tall Blacks, ang national team ng New Zealand.
Sa kaniyang IG post, mistulang pinatamaan ni Webster ang mga FIBA referee na nagsilbi sa naturang game matapos niyang sabihin na kinailangan din nilang talunin ang mga referee.
Nagpasaring pa ang batikang guard ukol sa umano’y ‘home cooking’ na nangyari.
Matapos ang pag-post, maraming Pinoy fans ang nakapansin sa komento ni Webester ngunit kinalaunan ay kapansin-pansin na nabura na ang comment ng New Zealand basketball captain.
Sa halip ay mapapansin lamang sa IG pag ng Tall Blacks ang isang naka-pin na apelang itigil na ang mga hate comment.
Ang comment ni Webster ay sa kabila ng kaniyang papuri sa Gilas Pilipinas kasunod ng pagkatalo ng kaniyang koponan. Natanong kasi ito ukol sa nalasap na pagkatalo sa kamay ng mga Pinoy ballers.
Sagot ni Webster, isang matibay na team ang kanilang hinarap at marami sa mga player nito ay nag-step up sa nangyaring banggaan.
Ang naturang pahayag ni Webster ay kaiba sa kaniyang binitawang comment sa Instagram, bagay na napansin din ng mga Pinoy basketball fans.
Maging ang head coach kasi ng New Zealand ay todo-puri rin sa Gilas kasunod ng panalo ng national team. Ayon kay Coach Judd Flavell, maganda ang ipinakitang laban ng Gilas sa kabuuan ng laban at marami sa mga player nito ang nagpahirap sa Tall Blacks.
Sa unang pagkakataon ay tinalo ng Gilas ang New Zealand team, 93 – 89. Sa naturang laban, dalawang player ng Gilas ang kumamada ng double-double: Kai Sotto at Justine Brownlee.