Pinalawig ng pamahalaan ng New Zealand ang ipinatupad nitong lockdown sa pinakamalaki nitong siyudad matapos makapagtalang muli ang bansa ng mga bagong kaso ng COVID-19 makalipas ang ilang buwang walang locally transmitted cases.
Ayon kay Prime Minister Jacinda Ardern, mananatili ang siyudad ng Auckland sa ilalim ng level three lockdown sa loob ng 12 karagdagang araw, habang ang nalalabing bahagi ng bansa ay ilalagay pa rin sa level two restriction.
Sa ilalim ng level three restriction, hindi papayagang lumabas ang mga residente ng kani-kanilang kabahayan maliban na lamang kung mamimili ng mga kinakailangang suplay, limitado ang operasyon ng mga paaralan, at mananatiling sarado ang mga pampublikong lugar gaya ng museo, playground, at mga gym.
Nagbabala rin si Ardern na posibleng lumobo pa ang mga coronavirus cases sa kanilang bansa sa mga susunod na araw.
“Lifting restrictions now and seeing an explosion of cases is the worst thing we could do for Auckland and for the New Zealand economy,” wika ni Ardern. “We have got rid of Covid before … We can do all of that again.”
Sa ngayon, mayroon nang 49 aktibong kaso ng COVID-19 sa New Zealand kung saan 29 ang nauugnay sa outbreak kamakailan. (CNN)