-- Advertisements --

Hindi umano magkakampante ang national basketball team ng New Zealand sa harapan nila bukas ng Gilas Pilpinas sa nagpapatuloy na 2023 FIBA World Cup Asian qualifiers.

Ang New Zealand na tinagurian ding Tall Blacks ang paborito na mananalo dahil sa ito ay No. 27 sa world rankings habang No. 33 naman ang Pilipinas.

Ayon sa bumibisitang team, kabilang sa kanilang pinaghahandaan ay ang pressure at homecrowd ng Gilas lalo na at araw ng Linggo bukas.

Liban nito, bahagi ngayon ng coaching staff ng Team Pilipinas ay ang dating head coach ng New Zealand na si Nenad Vucinic.

Inaasahan na raw ng New Zealand na merong mga diskarte na pinaghandaan ang mga Pinoy upang idiskarel ang kanilang opensa.

Sa ngayon parehas na merong tig-dalawang panalo na ang New Zealand at Gilas Pilipinas.

Huling naglaban ang dalawa ay noon pang 2016 FIBA Olympic Qualifying tournament kung saan tinalo nila ang Pilipinas.