KORONADAL CITY – Mismong ang mga mamamayan na ng New Zealand ang umaapela sa kanilang pamahalaan na palawigin pa ang ipinapatupad na lockdown sa nasabing bansa.
Ito ang ibinahagi ni Joel Padilla Brinosa, isang OFW sa New Zealand sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Brinosa, ito’y dahil nangangamba pa rin ang mga tao na maaari silang mahawaan lalo na sa mga mahahalagang establishmyento katulad ng mga mall at supermarket kapag sila’y bibili ng kanilang mga pangangailangan.
Dagdag pa nito, ginawa ang nasabing panawagan kay Prime Minister Jacinda Ardern upang mapanatili ang mababang kaso ng covid-19 sa bansa.
Nabatid na tumagal ang ipinaiiral na lockdown sa loob ng isang buwan at sa araw ng Lunes malalaman ang desisyon kung tatanggalin na ba ito o palalawigin pa.