-- Advertisements --

Naniniwala si NBA commissioner Adam Silver na posibleng sa 2021 na mag-umpisa ang susunod na season.

Una nang inanunsyo ng NBA na sa unang araw ng Disyembre ang tentative date para sa 2020-21 season, ngunit inamin ni Silver na masyado raw maaga ang naturang petsa.

Ayon kay Silver, dahil sa mas dumadami pa ang nagiging available na mga impormasyon tungkol sa coronavirus, mas maigi na lamang daw na simulan na lamang sa Enero ang season.

Nilinaw ng NBA official na nais nila na makita na ng mga fans ang “standard season” na kinapapalooban ng 82-game regular season at buong postseason.

Giit din ni Silver, gusto nilang makapaglaro na ang mga koponan sa kanilang mga home arena at sa harap ng mga fans.

“But there’s still a lot that we need to learn in terms of rapid testing, for example,” wika ni Silver. “Would that be a means of getting fans into our buildings? Will there be other protections?”

Marami rin aniyang natututunan ang NBA sa iba pang mga sports, partikular sa mga COVID-19 protocols na ipinatutupad ng Major League Baseball, NFL at iba pang major college sports programs.

“There’s lots of new information out there in the marketplace that we’re looking to absorb,” ani Silver.