Itinakda na ng Philippine Basketball Association (PBA) ang muling pagbubukas ng bagong season nito sa Disyembre 17, kung matapos na ang ginaganap ngayong PBA Governor’s Cup.
Ang hakbang ng PBA ay upang bigyang daan ang pagsabak ng Gilas Pilipinas sa Asian World Cup qualifier.
Karamihan kasi ng bubuuing bagong Gilas team ay mula rin sa mga professional players na posibleng makompleto sa ikalawang linggo ng Nobyembre.
Ang unang laro ng Gilas ay kontra sa Japan na gagawin sa Komazawa Olympic Park General Sports Ground Gymnasium sa Tokyo sa November 24.
Pagkatapos nito ang next game ng national team ay haharapin naman ang Chinese Taipei na magaganap dito sa Pilipinas sa Smart Araneta Coliseum sa November 27.
Makaraan nito ang sunod na laro ng Pilipinas ay sa Pebrero na ng susunod na taon at ang huling dalawang games ay sa June at July 2018.
Target ng Gilas Pilipinas at 15 pang mga bansa na makuha ang pitong slots para sa Asian region upang mag-qualify sa 2019 World Cup in China.