Nakahanda na umano ang European Union sa kanilang mga susunod na hakbang upang isapinal na ang kasunduan hinggil sa Withdrawal Agreement nito sa United Kingdom.
Ayon kay European Council President Charles Michel, nakatakda itong makipagpulong kasama ang European Council patungkol sa Article 50 kahit ano pa ang magiging resulta ng isinasagawang eleksyon sa naturang bansa.
Titingnan aniya nila kung posible para sa British Parliament na tanggapin ang inilatag nilang Withdrawal Agreement. Sinigurado rin ni Michel na nananatili ang magandang samahan sa pagitan ng EU at UK.
Kaugnay nito, nagpahayag naman si Jeremy Corbyn na magbibitiw ito sa kaniyang pwesto bilang lider ng Labour Party bago pa man magsimula ang susunod na eleksyon.
Inanunsyo ito ni Corbyn matapos ideklara ang kaniyang pagkapanalo sa North London. Sinabi ni Corbyn na hindi na nito pamumunuan ang nasabing partido sa susunod na general election campaign ngunit sisiguraduhin daw niya na iiwan niyang maayos ang Labour party.