Nagkasundo ang Saudi Arabian football team na Al Hilal at Brazillian football superstar Neymar na i-terminate na ang kontrata sa pagitan ng dalawa.
Ito ay kasunod ng tuluy-tuloy na injury ni Neymar sa loob ng 18 buwan na pananatili niya sa naturang team.
Sa isang statement, pinasalamatan naman ng Al Hilal ang Brazillian superstar sa kaniyang paglalaro sa naturang club at sa lahat ng kaniyang nai-ambag rito.
Ang 32 anyos na football superstar ay pitong beses lamang na nakapaglaro mula nang pumasok sa club noong August 2023.
Ito ay sa kabila ng natatanggap na sahod na $104 million kada taon.
Maaalalang si Neymar ay bahagi ng dalawang itinuturing na pinakamalalaking team transfer sa kasayayan ng football sa buong mundo.
Una ay noong pumasok siya sa Paris Saint-Germain mula Barcelona sa 2017. Ito ay sa halagang 220 million euros ($230 million), at pangalawa ay noong pumasok siya sa Al-Hilal noong August 2023.
Dalawang buwan mula nang pumasok sa Al Hilal, tuluyang na-injure ang kaniyang kalawang tuhod habang naglalaro sa World Cup qualifier noong October 2023 na naging dahilan ng isang taon niyang hindi paglalaro.
Siya ay isa sa mga highest-paid football superstar sa buong mundo, kasama ang kapwa superstar na si Cristiano Ronaldo.