-- Advertisements --

Nangko si National Food Authority (NFA) acting Administrator Larry Lacson na ipagpapatuloy ng ahensiya ang pagbili ng mga naaning palay hanggang sa huling bahagi ng Hunyo.

Ayon kay Lacson, laging hinihiling sa kanila ng mga magsasaka na ipagpatuloy ang pagbili ng mga palay hanggang sa huling bahagi ng kasalukuyang buwan upang mabenipisyuhan ang mga ito sa mataas na buying price na ginagamit ng NFA.

Nitong nakalipas na linggo kasi ay sinabi ng NFA na nakabili na ito ng kabuuang 3.32 million na sako ng palay at tanging 47,000 na sako na lamang ang kanilang kailangang bilhin upang maabot ang target na 3.36 million bags ngayong taon.

Pero ayon kay Lacson, magpapatuloy pa rin ang NFA na bumili ng palay kahit na malagpasan nila ang target procurement ngayong taon.

Ito aniya ay basta’t gugustuhin pa rin ng mga magsasaka na magbenta sa NFA at mayroon pang puwang ang mga warehouse na paglalagyan.

Ayon pa kay Lacson, nais nilang mabigyan ng inspirasyon ang mga magsasaka ng bansa, kayat ipagpapatuloy pagbili ng mga lokal na palay gamit ang mataas na buying price.

Samantala, plano ng NFA na humingi ng mas mataas na pondo sa susunod na taon upang mas maraming mga magsasaka ang ma-accommodate.

Sa inisyal na plano, nais ng ahensya na humiling ng hanggang P16 billion mula sa kasalukuyang P9 billion.