-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Hindi pa umano natatanggap ng National Food Authority (NFA) Regional Office Region 5 ang sinasabing pinirmahang Implementing Rules and Regulation para sa Republic Act 11203 o mas kilala bilang Rice Tariffication Law.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay NFA Bicol Director Henry Tristeza, kailangan na pirmado muna ito nina National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Ernesto Pernia, Budget and Management Officer in-Charge Janet Abuel at Agriculture Secretary Manny Pinol.

Ayon kay Tristeza na sakaling pormal nang maibaba ang IRR sa tanggapan, nangangahulugan rin aniya ito na sa buffer stock na lamang ang mas pagtutuunan ng trabaho ng NFA habang bibitiw na rin sa regulatory power.

Sa kasalukuyan, ongoing at ‘full blast’ na umano ang pagbili ng mga locally-produced na palay upang makompleto ang 15-day buffer stock.

Kaugnay nito, hinikayat ng opisyal ang mga magsasaka na ipagbili ang mga inaning palay sa NFA kung saan nasa P20.70 sa bawat kilo ang pagbili mula sa mga kooperatiba habang P20.40 naman para sa mga individual farmer.