LEGAZPI CITY – Naibaba na ang lahat ng imported rice na mula sa mga barko ng Thailand, Vietnam at Myanmar patungo sa mga bodega ng National Food Authority (NFA) sa Bicol.
Sinabi ni NFA Bicol Director Henry Tristeza sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, available na sa warehouse ang 321,000 bags ng bigas kabilang ang nasa 143,500 na sako ng local rice.
Ayon kay Tristeza na aabutin sa 12 araw ang itatagal ng stock, batay sa 40,000 daily consumption requirement sa rehiyon.
Aminado ang opisyal na mababa ang nabibiling bigas mula sa mga lokal na magsasaka dahil sa epekto ng El Nino kung saan nasa 4,700 bags ang daily average.
Subalit handang mag-request ng augmentation para sa procurement sa ibang rehiyon na malakas ang harvest lalo na’t gagamitin ito para sa buffer stock kung may kalamidad.
Sa pagtatapos ng anihan at pag-uumpisa ng lean month, umaasa si Tristeza na makakahabol pa ang ibang magsasaka at magkakaroon ng spillover sa kalagitnaan ng Hunyo.