LEGAZPI CITY – Pinawi ng National Food Authority (NFA)-Bicol ang pangamba ng ilang kababayan sa posibilidad na kulangin ang suplay ng bigas sa gitna ng coronavirus crisis.
Dahil nasa peak na ng “summer harvest”, malaking tulong umano ang mga lokal na produkto ng mga magsasaka.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay NFA Bicol Director Henry Tristeza na kahit minimal na ang suplay ng bigas sa mga bodega kayang matapatan kung maipagiling na lahat ang nasa 550,000 ng palay.
Inaasahang aabot ng walong araw ang 224,000 na sako ng bigas na una nang ipinamahagi sa mga lokal na pamahalaan sa Bicol.
Kung sakaling kulangin, maaari umanong bumili ang mga local chief executives sa labas ng NFA o sa mga nagbebenta ng commercial rice.
Magkakaroon lamang ng kaunting patong sa presyo kung ihahambing sa murang bigas.
Sakali namang maaprubahan na ang aangkating bigas mula sa India at Vietnam ng pamahalaan, maaring makatanggap pa ang Bicol ng 200,000 sako ng bigas.