-- Advertisements --

Nangako si National Food Authority (NFA) Administrator Larry Lacson na pagbubutihin pa lalo ng naturang ahensiya ang pagsisilbi nito para makuha ang tiwala ng mga Pilipino.

Sa inilabas na Christmas message ni Lacson, nakasaad dito ang kaniyang pagnanais na makuhang muli ang tiwala ng mga mamamayan dahil tiyak aniyang mas maraming magasaka ang mas matutulungan ng NFA kapag nagtitiwala ang publiko sa ahensiya.

Ayon kay Lacson, nais ng NFA na makapaghatid ng mas maraming murang bigas sa mga Pilipino.

Iginiit ng NFA Chief ang pagnanais niyang muling maibalik ang iba pang kapangyarihan at tungkulin ng ahensiya na unang tinanggal noong naisabatas ang Rice Tarrification Law sa nakalipas na administrasyon.

Pangunahin dito ang pagbabalik ng NFA rice sa retail service.

Ayon kay Lacson, mas magiging makabuluhan ang NFA kung maibabalik ang mga dati nitong kapangyarihan, at mas makakapagsilbi sa mga mamayang Pilipino.

Binati rin ng opisyal ang mga empleyado ng NFA sa kanilang patuloy na pagsisilbi sa publiko sa kabila ng aniya’y mga hamon na kinaharap ngayong taon.