Naglabas ngayon ng bagong buying price ang National Food Authority (NFA) para sa dry and wet na palay, bilang tugon sa pagbabago sa production at kondisyon sa merkado.
Itoy kasunod sa ipinatawag na pulong ni Pang. Ferdinand Marcos Jr., sa National Food Authority (NFA) council sa Malakanyang.
Para sa tuyong palay nasa P19 to P23 ang buying price kada kilo mula sa kasalukuyan na nasa P19, at para sa wet gagawing P16 to P19 mula sa kasalukuyang P15 to P16 kada kilo.
Layon din nito na mapataas ang kita ng mga magsasaka at masiguro ang sapat na suplay ng bigas sa bansa.
Sa orihinal na panukala para sa buying price ay nasa P20 kada kilo ang wet palay habang P25 kada kilo naman ang dry palay.
Paliwanag ng NFA, sa bagong itinakdang buying price, babalansehin nito ang kita ng mga magsasaka.
Siniguro naman ng NFA na ang imported rice ay hindi ibibenta sa merkado kundi magsilbi itong buffer stock para sa mahihirap.
Inihayag din ng NFA na balak na rin nilang mamahagi ng bigas imbes na cash assistance sa mga kababayan nating mahihirap.
Suportado naman ng Dept. of Agriculture ang nasabing panukala ng NFA.