Nakatakdang magpulong ang National Food Authority (NFA) Council para matalakay ang posibleng pagbabago sa buying price ng palay para mas maging competitive ito para sa mga lokal na magsasaka.
Ayon kay DA ASec. at spokesperson Arnel De Mesa, nakatakdang magpulong ang konseho sa Huwebes, Abril 11.
Matatandaan kasi na noong Setyembre 2023, tinaasan ng NFA Council ang buying price ng dry palay sa P23 kada kilo mula sa P19 kada kilo habang ang buying price naman para sa wet palay ay itinaas sa P19 kada kilo mula sa P16/kilo.
Kumpara sa kasalukuyang data ng PSA noong Pebrero 2024, ang buying price ng NFA sa dry palay ay mas mababa kumpara sa average farmgate price sa buong bansa na nasa P25.21 kada kilo.
Samantala, muling binigyang diin naman ng DA official na hindi apektado ang operasyon ng NFA sa kabila ng pagsasara ng warehouses ng rice buffer stock kung saan 97 pang bodega ng NFA ang nakasara sa ngayon.
Una na ngang ipinag-utos ng DA ang pansamantalang pagsasara ng ilang NFA warehouses sa gitna ng nagpapatuloy na imbestigasyon ng Ombudsman sa umano’y iregularidad sa pagbebenta ng rice buffer stocks.