Nakatakdang ibaba ng National Food Authority (NFA) ang presyo ng palay sa susunod na linggo.
Ayon kay Department of Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel Jr. magiging P23 kada kilo na ang presyo ng palay mula sa P27 kada kilo na presyo nito sa kasalukuyan.
Subalit bago ito ipatupad, ayon sa kalihim, ipapaalam muna ito sa mga magsasaka para hindi sila magulat. Aniya, kahit sa ganitong mababang presyo ng pagbili ng palay, kikita pa rin ang mga magsasaka.
Nananatili naman aniya ang Pilipinas bilang nangungunang rice importer sa buong mundo.Tinataya ng kalihim na nag-angkat ang PH ng 3.6 milyong tonelada noong nakaraang taon, habang maaari naman aniyang mag-import ang bansa ng 3.8 milyong tonelada ngayong taon at 3.9 milyong tonelada sa susunod na taon.
Bukod sa bigas, nakatakdang mag-angkat ang Pilipinas ng mga produkto tulad ng isda, puting sibuyas at maging ang luya para patatagin ang presyo ng mga bilihin.
Samantala, hindi naman inaasahang tataas ang presyo ng baboy sa pagpasok ng Christmas season.