-- Advertisements --

Inihayag ng National Food Authority (NFA) na mangangailangan ito ng P16.3 bilyon sa susunod na taon para makuha ang target na volume ng rice buffer stock at karagdagang budget para i-upgrade ang storage capacity ng ahensya.

Ayon kay NFA acting administrator Larry Lacson, maliban sa pagpopondo sa pagbili ng palay mula sa mga lokal na magsasaka, kakailanganin din ng ahensya na magtayo ng karagdagang storage at drying facilities upang mapabuti ang buffer stocking capacity nito.

Batay sa datos, aabot sa 31,000 metriko tonelada lamang ang kapasidad ng NFA sa pagpapatuyo ng palay.

Bumili ito ang NFA ng humigit-kumulang 495,000 MT ng palay bilang pagtalima sa batas na nag-aatas dito na magpanatili ng buffer stock.

Ito ay katumbas ng humigit-kumulang siyam na araw ng pambansang konsumo ng bigas.

Ang panukalang badyet ng Department of Agriculture (DA) para sa susunod na taon ay naglalaan ng P24.85 bilyon naman para sa NFA.

Katumbas ito ng 77 porsiyentong pagtaas mula sa P14.03 bilyon ngayong taon.

Naglaan naman ng P9 bilyon ang NFA para sa pagbili ng palay

Kung maaalala, nilimitahan ng Rice Tariffication Law ang tungkulin ng NFA na bumuo ng pambansang buffer stock para matiyak ang sapat na supply ng bigas sa oras ng emerhensiya, pagkuha ng palay mula sa mga lokal na magsasaka.

Dinidinig na ngayon ng Kongreso ang mga panukalang ibalik ang kapangyarihan ng NFA na mag-angkat ng bigas o patatagin ang mga presyo sa merkado.