Inihayag ng National Food Authority (NFA) na naabot na nito ang 97 porsiyento ng target nitong palay purchase para sa unang kalahati ng taon sa ilalim ng bagong pricing scheme.
Ayon sa ahensya, ito ay katumbas ng 2.93 milyong bag ng palay na maaari nang maabot ang 3.08 milyong bag na target nitong bilhin.
Sinabi ni NFA acting administrator Larry Lacson, na ang mga magsasaka sa ilang probinsya sa hilagang Luzon ay hindi pa natatapos sa kanilang ani at umapela sila sa NFA na ipagpatuloy ang pamimili nito ng palay.
Sa mas mataas na buying price range, nakabili ang NFA ng tuyo at malinis na palay sa halagang PHP23 hanggang PHP30 kada kilo; at PHP17/kg. sa PHP23/kg. para sa sariwa at basang palay.
Nagtalaga rin ang NFA ng fast lane para sa mga magsasaka na nagbebenta ng palay na hindi hihigit sa 50 sako.
Samantala, ikinatuwa naman ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang tumaas na buying price nito.
Target ng NFA na matugunan ang kabuuang 300,000 metric tons ng bigas para sa pambansang buffer stock ng bansa.