Naguumpisa na umanong mamili ng clean and dry palay para sa kanilang buffer stock ang National Food Authority (NFA) sa mga magsasaka kasunod ng naging pagrelease ng ilang bahagdan ng 150,000 metric tons na buffer stock ng ahensya.
Paglilinaw ni Department of Agriculture (DA) Spokesperson at Assistant Secretary for Special Concern and Official Development Assistance Engr. Arnel De Mesa, tuloy-tuloy ang pagbili ng NFA ng palay sa mga magsasaka habang patuloy rin ang pagrelease ng mga buffer stock nito sa mga warehouses na siyang ibinebenta sa mga lokal na pamahalaan.
Aniya, sa kabila ng pagbili ng ahensya, hindi naman umano ganoon karami sa ngayon ang mabibili dahil sa nananatili pa ring puno ang mga warehouses ng NFA sa ibat ibang bahagi ng bansa.
Dahil dito, dapat na umanong madaliin ang pagrerelease ng mga inisyal na 150,000 metric tons na buffer stocks ng ahensya para mas makapamili na agad ng mga palay mula sa mga lokal na magsasaka.
Samantala, giit ni De Mesa, nananatili sa presyong P23-P30/kilo ng palay ang pagbili ng NFA sa mga magsasaka depende sa kung saang area galing ang mga dry and clean palay habang ang mga fresh ay binibili ng ahensya mula P17-P23/kilo.