Nalampasan na ng National Food Authority ang upgraded palay procurement target nito sa unang anim na buwan ng taon, sa pamamagitan ng mga hakbang ng NFA Council sa pangunguna naman ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr. na taasan ang buying prices, palakasin ang national buffer stock at pataasin ang kita ng mga magsasaka.
Noong Hunyo 13, ang palay procurement ng NFA ay umabot sa halos 3.37 milyon 50-kilo na sako, bahagyang lumagpas sa upgarded target na 3.36 milyong sako. Sa ngayon, ang kabuoang imbentaryo ay sapat na para masakop ang apat na araw na national bufferstock sakaling magkaroon ng emergencies o kalamidad.
Pinagtibay ni NFA Acting Administrator Larry Lacson ang pangako ng ahensya na ipagpapatuloy nito ang pagbili ng palay sa mas mataas na presyo kaysa sa mga negosyante, na tumutugon naman sa mga panawagan ng mga magsasaka para sa patuloy na suporta.
Sa kabuuang badyet na P17 bilyon na inilaan para sa pagbili ng bigas ngayong taon, kabilang ang rollover funds mula sa nakaraang taon, napanatili pa rin ng NFA ang humigit-kumulang P12 bilyon para sa palay procurement sa susunod na anim na buwan ng taon.
Una nang iniulat na noong kalagitnaan ng Abril, itinaas ng NFA Council ang buying price sa maximum na P30 kada kilo mula sa dating ceiling price na P23 kada kilo, kasabay ng pagtaas sa base price sa P17 kada kilo mula sa P16.
Bukod pa rito, nag-aalok din ang Kagawaran ng iba’t ibang programa na makakatulong para mapahusay ang produksyon ng bigas, kabilang na ang suporta mula sa Rice Competitiveness Enhancement Fund sa ilalim ng Rice Tariffication Law.
Ang mga pagsisikap na ito ng pamahalaan ay naglalayong iangat ang kabuhayan ng mga magsasaka, at matiyak na nakakatanggap sila ng patas na kita para sa kanilang pagsusumikap at dedikasyon sa produksyon ng agrikultura.