-- Advertisements --

Nangangailangan ng karagdagang pondo ngayon ang National Food Authority (NFA) upang matugunan ang pagtaas sa kinakailangang rice buffer stock na siyang itinakda sa naamiyendahang Rice Tariffication Law.

Ipinaliwanag ni NFA Administrator Larry Lacson na sa ilalim ng bagong probisyon ng Republic Act 12078, na nilagdaan bilang batas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong nakaraang buwan, inaatasan ang ahensya na magpanatili ng buffer stock na sapat para sa 15 araw na konsumo ng bigas sa buong bansa, mula sa dating 9 na araw.

Ang arawang konsumo naman ng bansa ay nasa 37,000 metric tons ng bigas, habang ang karagdagang 6 na araw na reserba ay mangangailangan ng pagbili ng NFA ng humigit-kumulang 300,000 metric tons ng palay mula sa mga lokal na magsasaka sa tinatayang nasa presyo na P23/kilo.

Sa ilalim naman ng Republic Act 12078 ay maglalaan din ng P2 bilyong piso mula sa rice tariffs na sobra sa P30 bilyong nakalaan sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF). Ang RCEF ay isang pondo na naglalayong gawing modernized ang pagsasaka ng palay at suportahan ang mga lokal na magsasaka.

Ayon naman kay Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., na siyang chairman ng NFA Council, ang pinakamataas na policymaking body ng ahensya, ang pagbili ng NFA ng palay ay dapat umabot sa 20% ng kabuuang domestic production ng bansa—na tinatayang nasa 4 milyong metric tons—kumpara sa kasalukuyang 3-4% lamang.

Ani Laurel, dating market maker ang NFA na siyang bumibili at nagbebenta ng bigas ngunit sa ngayon ay naging limitado na ang buffer stocking nito at pagbili ng bigas mula sa mga lokal na magsasaka kaya layunin aniya ng kanilang departamento na ibalik ang impluwensya ng NFA sa ma presyo ng palay.

Samantala nauna naman dito ay inaprubahan ng NFA Council noong Martes ang isang resolusyon na nagpapahintulot sa NFA na magbenta ng bigas sa mga lokal na pamahalaan (LGUs) para sa kahandaan sa kalamidad.