-- Advertisements --

Pinag-aaralan ng National Food Authority ang posibilidad ng pag-renta sa mga private warehouse o pansamantalang paghiram sa mga storage facilities ng mga lokal na pamahalaan at mga kooperatiba.

Ito ay bilang paghahanda sa nalalapit na panahon ng anihan ngayong summer.

Ayon kay NFA Administrator Larry Lacson, kasalukuyan nang ginigiling ang mga palay stock nito, gamit ang recovery rate na 63%.

Kung makukumpleto ito aniya, magagawa nang ma-decongest ang mga bodega at luluwag ng hanggang 35% ang storage space ng mga bodega.

Sa kasalukuyan, mayroon na aniyang mga LGU at mga kooperatiba na nagpahayag na ng kahandaang ipa-hiram ang kanilang mga bodega.

Maging ang mga local office nito aniya ay nagpahayag din ng kahandaan na makipag-ugnayan sa mga local cooperative at mga LGU upang pansamantalang magamit ang kanilang mga warehouse.

Katwiran ni Lacson, patuloy ang paghahanap nila ng paraan upang ma-accommodate ang maraming bulto ng bigas mula sa mga magsasaka at matugunan ang mas mataas na buffer stock nito.