Pinaplano na ng National Food Authority (NFA) na bumili ng yellow corn mula sa mga magsasaka upang matulungan ang mga ito sa gitna ng bumabagsak na farmgate price, ayon sa Department of Agriculture (DA).
Sinabi ni DA spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa, bagaman hindi ito naka-programa ngayong 2025, hinahanapan na ng NFA ng mapagkukuhanan ng pondo para magamit sa procurement ng yellow corn. Target itong malagay na sa procurement activities nito ngayong taon.
Ayon kay De Mesa, maaaring kunin muna ang pondo mula sa unprogrammed funds para rito.
Bagaman sisimulan pa lamang ngayong taon, tiyak na aniyang isasama na ito sa budget proposal ng ahensiya para sa 2026.
Para ngayong 2025, mayroong P9 billion na pondong magagamit ang NFA para sa local procurement.
Maalalang sa naging pagdinig ng House Quinta Committee nitong nakalipas na araw ng Martes, Jan. 28, ilang mga mambabatas ang humiling sa NFA na tumulong sa pagbili ng mga local corn dahil sa bumababang farmgate price at bumababang demand.
Isa sa mga rekomendasyon ng mga mamababatas ay ang gawing P17 kada kilo ang presyo an bilihan upang masigurong may kikitain din ang mga lokal na magsasaka ng bansa.
Sa kasalukuyan ay mayroong 1.4 million corn farmers sa bansa kung saan nagsisilbing pangunahing producer ang Cagayan Valley, Northern Mindanao, at Soccsksargen.