Pinag-aaralan na ng National Food Authority (NFA) ang pagtigil sa ‘rebagging’ o pagpapalit ng sako sa mga palay na binibili mula sa mga magsasaka.
Ito, ayon kay Acting Administrator Larry Lacson, ay upang makatipid ang ahensiya ng mas malaking pondo.
Paliwanag ni Lacson na kung bumibili ang NFA ng palay mula sa mga magsasaka, inililipat nila ang mga ito sa sako ng NFA, bago tuluyang dalhin sa mga bodega nito.
Ayon kay Lacson, ang bawat sako ng NFA ay tinatayang nagkakahalaga ng P13, at dahil sa umaabot sa 10 million na sako ang binibili ng NFA kada taon, maaari aniyang matipid ng ahensiya ang hanggang P130 million.
Para sa logistics cost, tinatayang makakatipid ang ahensiya ng P30 kada sako.
Sa ilalim nito, maaaring makatipid din ang ahensiya ng P300 million.
Kung susumahin, maaari aniyang makatipid ang NFA ng hanggang kalahating bilyong piso na pondo.
Sa kasalukuyan aniya ay nasa huling bahagi na ang NFA sa isinasagawang pag-aaral sa naturang inisyatiba.