Sa kabila ng ng tuloy-tuloy na pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa, tiniyak ng National Food Authority (NFA) ang pagpapatuloy ng pagbili nito ng palay mula sa mga magsasaka.
Sinabi ni NFA administrator Larry Lacson na mananatili rin ang mataas na presyong ginagamit dati ng NFA: P23 to P30 per kg para sa dry, at P17 to P23 per kg para sa kaaaning palay.
Ayon sa opisyal, tuloy-tuloy ang gagawing pagpapataas sa stock ng palay sa mga bodega nito, bilang paghahanda na rin sa panahon ng kalamidad kung saan mataas ang pangangailangan sa mga stock ng NFA Rice dahil ginagamit ang mga ito sa relief operations.
Hanggang nitong huling bahagi ng Hunyo, nagawa na ng ahensiya na bumili ng mahigit 3.5 million na sako ng palay, halos dalawang daang libo na mas mataas kaysa sa target na 3.3 million.
Sa kasalukuyan ay mahigpit aniya ang koordinasyon ng mga NFA field offices sa mga magsasaka, kooperatiba ng mga magsasaka, at mga asosasyon upang magtutuloy-tuloy ang procurement.
Ayon pa kay Lacson, daan na rin ito ng ahensiya upang matulungan ang mga magsasaka na magkaroon ng dagdag na kita.