Inanunsyo ni National Food Authority Administrator Larry Lacson na bibili na ang ahensiya ng palay gamit ang sariling sako ng mga magsasaka.
Maaalalang dati nang pinuna ni Lacson ang ginagawa ng NFA na paglalaan ng sarili nitong sako (NFA Sack) at ibinibigay muna sa mga magsasaka upang dito ilagay ang kanilang mga panindang palay.
Ayon kay Lacson, sisimulan na ng NFA ang pagbili ng palay mula sa mga magsasaka na hindi nila kailangang ilipat ang mga inaning palay sa sako ng NFA.
Kailangan lamang aniyang bago o maayos ang kondisyon ng mga sako na gagamitin ng mga magsasaka.
Paliwanag ni Lacson, malaki ang matitipid dito ng pamahalaan dahil sa hindi na nila kailangan pang bumili ng mahigit 1.3 milyong sako ng palay, daan upang makatipid ang gobiyerno ng milyun-milyong pondo.
Sa katunayan aniya, ngayong harvest season pa lamang ay maaaring makatipid ang pamahalaan ng mahigit P17 million sa pamamagitan nito, habang maaaring aabot naman sa P250 million sa susunod na taon.
Samantala, sa ilalim ng bagong programa, uunahin munang bilhin ang clean at dry palay ngayong wet harvest season.
Paliwanag pa ng opisyal, tugon na rin ito sa hirit ng mga magsasaka na kadalasang matagal na naghihintay tuwing nagbebenta ng palay dahil sa rebagging o paglilipat ng mga inaning palay mula sa kanilang sariling sako tungo sa sako ng NFA.