-- Advertisements --

LEGAZPI CITY -Tiniyak ng National Food Authority Bicol na may sapat pang suplay ng bigas ang rehiyon sa kabila ng mahigit sa isang buwan ng pagbibigay ng ayuda sa mga residenteng apektado ng pag-aalburuto ng Bulkang Mayon sa Albay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazp kay Aira Kate Belardo ang Acting Regional Information Officer ng National Food Authority Bicol, sa ngayon ay mayroon pang 11,000 bags ng bigas ang ahensya sa kanilang warehouse na sapat pa para sa pangangailan ng mga evacuees.

Mayroon rin na nasa 20,000 bags na matatanggap ang ahensya mula sa ibang rehiyon na pangdagdag sa bufferstocks para na rin sa iba pang pangangailangan sakaling magkaroon ng ibang kalamidad.

Ayon kay Belardo, nasa P4.7 milyon na halaga ng bigas ang binili ng Department of Social Welfare and Development kung saan 4,750 bags ang naipamigay na sa mga apektadong residente.

Kumpiyansa naman ang opisyal na hindi pa rin magkukulang ng suplay sakaling tumagal pa ang pag-aalburuto ng Bulkang Mayon na hanggang sa ngayon ay nakataas pa rin sa alert level 3 at wala pang senyales na huhupa na.