Desidido ang pamilya Ravena sa pagsasampa ng kaso laban sa suspek na nagpakalat ng scandal photos ni UAAP Most Valuable Player (MVP) Kiefer Ravena.
Sa panayam kay Bong Ravena, ama ni Kiefer, inaayos na lamang umano nila ang lahat ng mga kakailanging dokumento para maiproseso ang kasong robbery extortion in relation to section 6 ng Anti Cyber Crime Act laban kay Kristoffer Monico Ng.
Sinabi ng nakakatandang Ravena na idadaan nila ang pagsasampa ng kaso sa due process hanggang sa umabot pa sa prosecutors office ang pagsasampa ng kaso.
Inihayag din ni Bong Ravena na kung anuman ang mga negatibong komento patungkol sa kanilang anak ay kanila itong babalewalain.
Aniya, ang mahalaga sa ngayon ay maipakita nila ang suporta sa kanilang anak.
Naniniwala si Bong na biktima ang kanyang anak at hindi ito nagsimula ng iskandalo.
Kumpiyansa ang pamilya Ravena na makakamit nila ang hustisya para sa kanilang anak.
Payo naman ni Bong Ravena sa lahat lalo na sa mga kabataan na mag-ingat sa cyber world o social media dahil nauuso ang panloloko at black mail at umasa na maging aral sa lahat ang nangyari sa kaniyang anak.