Kumambiyo ang National Grid Corporation of the Philippines sa pagbibigay ng garantiyang hindi makakaranas ng power outage sa darating na summer season.
Ito ay sa kabila ng pagtitiyak ng Department of Energy na hindi magkakaroon ng yellow o red alert sa mga buwan na mainit ang panahon ngayong taon base sa forecast.
Ayon sa DOE, mayroong mahigit 4,000 megawatts ng new generation na magpapalakas sa suplay ng kuryente bago ang panahon ng tag-init.
Paliwanag naman ng NGCP central grid operations manager na si Engineer Vincent Bernabe na base sa nangyari noong nakalipas na taon makailang beses na nagkaroon ng unplanned forced outages kayat inaasahan aniyang kapag summer mararanasan ito.
Sinabi din ng NGCP na walang nakakaalam kung anong mga planta ang posibleng makaranas ng emergency shutdowns na nangyari na noong mga nakalipas na taon.
Matatandaan na umani ng batikos ang naranasang blackout sa Panay island noong nakalipas na taon kung saan 3 sunod na araw na walang kuryente sa Panay habang nakaranas naman ng rotational power interruption ang Negros Occidental. Nagresulta ito ng P3.8 billion na halaga ng economic losses sa Iloilo.